Maaari ng hilingin ng Senado sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na busisiin ang bank accounts ng mga opisyal ng PhilHealth na sinasabing lumagda sa waiver sa bank secrecy law.
Ito ang inihayag ni Senate President Vicente Sotto III ang nangunguna sa mga pagdinig ng Senado bilang Chairman ng Senate Committee of the Whole sa mga panibagong isyu ng katiwalian.
Una nang sinabi ni Sotto na kailangang mabusisi ang transaksyon ng mga opisyal ng PhilHealth at ang mga pagpapalabas ng PhilHealth fund dahil sa mga nakalap nilang katibayan at testimonya ng nagaganap na katiwalian sa ahensya.
Samantala, sa panig ni Senator Imee Marcos, duda siyang may matutuklasan sa pagbuklat sa bank accounts na ibinigay ng mga opisyal ng PhilHealth.
Maari aniyang hindi ibinigay ng mga ito ang tunay at may laman na bank accounts, sanay na aniya ang mga ito dahil sa maraming taon nang naakusahan ng katiwalian. — ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)