Nanindigan ang National Transmission Corporation (TransCo) sa posisyon nitong may kapangyarihan ang China na i shutdown ang power grid ng bansa.
Kasunod na rin ito nang pagpalag ni TransCo President Melvin Matibag sa pahayag ni NGCP Spokesperson Cynthia Alabanza na nagsasabing hindi maaaring basta itigil ng Beijing ang sistema ng enerhiya ng bansa.
Sinabi ni Matibag na kailangang matuloy ang panukalang audit sa control centers ngNGCP na tanging paraang nakikita niya para maresolba ang usapin.
Binigyang diin ni Matibag na hindi malabong magkaroon ng access ang dayuhang co owners ng state grid dahil sa digital ang network nito.
Hindi aniya totoong kailangan pang dumaan sa manu manong proseso ang pagpatay sa power grid dahil sa impluwensya pa lang ng internet ay maaari nang manduhan ang sistema ng SCADA o Supervisory Control and Data Acquisition.
Ang SCADA ang sistema na kumu kontrol sa grid network ng NGCP.
Duda si Matibag na mayroong ayaw ipakita ang state grid sa loob ng sistema nito kaya’t tumatangging magpasailalim sa audit ng gobyerno.