Umaapela ng transparency sa national government ang Tarlac Provincial Government kaugnay sa paggamit ng New Clark City (NCC) bilang quarantine facility para sa mga Pilipinong umuuwi galing ng Wuhan, China.
Ayon kay Tarlac governor Susan Yap, hindi niya batid na dadalhin din sa NCC ang ikalawang batch ng mga Pinoy na darating mula Wuhan ngayong Lunes, ika-10 ng Pebrero.
Sinabi ni Yap na tanging ang ipinaabot sa kaniya ng Department of Health (DOH) sa kanilang pulong noong Sabado ay isang batch lamang ng Overseas Filipino Workers (OFWs) ang dadalhin sa Athlete’s Village sa NCC.
Ayaw naman aniya nilang sila ay binibigla lalo pa’t nag-aalala siyang magkaroon ng stigma sa paggamit ng NCC bilang quarantine facility at makaapekto ito sa turismo sa kanilang lalawigan.
Binigyang diin ni Yap na ang konsepto ng NCC ay para ibahay ang ilang national government centers at isang sports hub at hindi para gamiting medical facility.