Nananawagan si Vice President Leni Robredo ng ‘transparency’ sa 19 na kasunduang nilagdaan ng Pilipinas at China sa pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Belt and Road Forum.
Ayon kay Robredo, noong unang beses pa lamang ng pagbisita ng pangulo sa China, kanya nang ipinananawagang ilabas ng Malakanyang ang mga kasunduang pinasok ng bansa.
Iginiit ng pangalawang pangulo na nais niyang makita kung mas magiging kapaki-pakinabang para sa mga Pilipino at sa bansa ang nilalamang terms ng mga nasabing kasunduan.
Binigyang diin pa ni Robredo na bagama’t masaya siya sa tuwing may pinapasok na kasunduan ang pamahalaan lalo na kung may kaugnayan sa kalakalan na magbebenipisyo sa mga Pilipino, kinakailangan pa ring maging mapagbantay ang lahat dito.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na sinaksihan ni Pangulong Duterte ang paglagda sa 19 na business deals sa China kabilang ang may kaugnayan sa enerhiya, imprastraktura, agrikultura at pagsasanay sa mga Pilipino.