Nanawagan ng transparency si Dating Pangulong Benigno Noynoy Aquino III sa administrasyong Duterte hinggil sa nagpapatuloy na negosasyon kaugnay sa isyu ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon sa dating pangulo, mainam aniyang maipabatid ng buo sa publiko ang developments dito upang mapawi ang mga agam-agam at maiwasan ang pagkalat ng haka-haka.
Bagama’t hindi pinangalanan ni Ginoong Aquino, binira nito si Presidential Spokesman Harry Roque na nagsabing pinayagan na ang mga pilipino na mangisda sa Panatag o Scarborough Shoal.
Hindi aniya katanggap-tanggap ang terminong “pinayagan” lalo pa’t bahagi ng EZZ o Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ang naturang bahura na inaangkin ng China.
Ibinunyag din ni Aquino na sinimulan na ng Pilipinas at ng China ang mga pagpupulong nito para sa pagbalangkas ng code of conduct sa West Philippine Sea matapos manalo ang mga Pilipino sa International Court of Arbitration.