No show si Transportation Sec. Arthur Tugade sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Transportation kaugnay sa planong transport modernization ng pamahalaan.
Paliwanag ni LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Martin Delgra, nagkaroon ng naunang appointment ang kalihim kasama ang ilang diplomat at ambassadors.
Batid naman aniya ng kalihim ang kahalagahan ng naturang pagdinig kaya’t sinugo nito ang iba pang mga opisyal ng DOTR o Department of Transportation.
Kasunod nito, muling tiniyak ni Delgra na walang dayuhang kumpaniya ang magmomonopolya sa nasabing programa at lahat ng mga gagawa ng mga bago at modernong sasakyan ay pawang magmumula sa Pilipinas.
Mga mambabatas, dismayado sa di pagdalo ni Sec. Tugade
Dismayado naman si House Committee on transportation chair At Quezon City Rep. Cesar Sarmiento sa hindi pagsipot ni DOTR o Department of Transportation Sec. Arthur Tugade sa pagdinig hinggil sa transport modernization.
Giit ni Sarmiento, bagama’t naka-recess ang Kongreso para sa undas, pinilit pa rin nilang magsagawa ng pagdinig para maging malinaw sa lahat ang gagawing modernization sa mga PUV’S o Public Utility Vehicles partikular na ang mga jeepney.
Binigyang diin ng mambabatas na suportado nila ang hakbang ng administrasyon na ayuin ang sektor ng transportasyon sa bansa kaya’t nais nilang matiyak kung tama ba iyong solusyon at kung ikukonsidera rin ang kapakanan ng mga tsuper at operator.
Kabilang sa mga humarap sa pagdinig sina LTFRB Chair Martin Delgra, LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, MMDA Chair Danny Lim at mga transport group kasama ang PISTON o ang Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide.
Ulat ni Jill Resontoc