Naglunsad ng Transport Protest Caravan ang Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) laban sa mga polisiyang may mga kaakibat na multa at iba pang isyung naka-aapekto sa kanilang kabuhayan.
Mahigit 20 sasakyan, na kinabibilangan ng ilang kotse at motorsiklo ang lumahok sa aktibidad sa tapat ng Bureau of Customs, Philippine Ports Authority at Manila City Hall.
Kabilang sa pina-aaksyunan ng CTAP sa PPA at Port Operators ang problema sa terminal appointment booking system; passing thru fees sa ICTSI, LGU at travel permit; shipping lines container deposits at truck ban.
Ayon kay CTAP president Mary Zapata, masyado ng maraming polisiya ang PPA at port operators dahilan upang madagdagan ang gastos ng truckers, brokers at importers, lalo sa penalty.
Bagaman nagkaroon na anya sila ng dayalogo sa Department of Transportation, PPA, Department of Trade and Industry at BOC, wala pa ring inilatag na kongkretong solusyon sa kanilang mga problema.
Sa kabila nito, nilinaw ni Zapata na wala silang balak maglunsad ng mas malaking holiday truck protest dahil masisira ang operasyon at magdudulot ito ng mas malaking mga problema.
Umapela naman ang CTAP sa pamunuan ng Aduwana, PPA Manila City Government at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na aksyunan ang kanilang mga hinaing. —ulat mula kay Aya Yupangco (Patrol 5)