Dismayado na ang mga transport group sa mabagal na pagproseso ng rehistro ng sasakyan at pag-renew ng lisensya sa Land Transportation Office dahil umano sa kapalpakan ng dayuhang information technology provider ng ahensya.
Inihayag ni Liga ng Transportasyon at Operaytor sa Pilipinas (LTOP) National president Orlando “Ka Lando” Marquez na apektado na ang sektor ng transportasyon sa mala-usad pagong na pag-poproseso ng lisensya at rehistro.
Sa isang press conference kahapon, iginiit ni Ka-Lando na damay na rin sa makupad na sistema ng I.T. provider ng LTO na Dermalog ang kabuhayan ng mga tsuper na namamasada.
Ganito rin ang sentimyento ng Pangkalahatang Sanggunian Manila at Suburbs Drivers Association (PASANG-MASDA), Alliance of Transport Operators and Drivers Asssociation of the Philippines, PISTON, Alliance of Concerned Transport Organization at Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines.
Nanawagan naman si PASANG-MASDA National president Roberto “Ka Obet” Martin kay Pangulong Ferdinand “bongbong” Marcos Jr., na makialam na sa problema sa LTO dahil ang publiko ang lubos na nahihirapan.
Dahil din anila sa pagbagal ng Land Transportation Management System, hindi maiiwasang magpabalik-balik ang mga tsuper para lang makumpleto ang kanilang transaksyon pero ang kapalit naman nito ay ang ilang araw na walang kita.
Magugunitang ikinadismaya rin ng bagong talagang si LTO assistant secretary, Atty. Teofilo Guadiz III ang makupad na pagproseso ng drivers license sa mga tanggapan ng ahensya na pinamamahalaan ng German IT provider na Dermalog.