Nanawagan ang isang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibalik sa sampung piso ang minimum na pasahe sa mga jeepney mula sa kasalukuyang nuwebe pesos.
Ayon kay Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines (FEJODAP) President Zenaida Maranan, nasa 39 hanggang 40 pesos na sa ngayon ang presyo ng mga produktong petrolyo partikular na ang diesel.
Mas mataas aniya ito ng dalawang piso sa dating presyo ng mga produktong petrolyo at posibleng mas tumaas pa sa mga susunod na mga linggo.
Binigyang diin ni Maranan, dapat nang magpalabas ng provisional fare increase si LTFRB Chairman Martin Delgra para maibalik ang piso na tinapiyas sa minimum na pasahe ng mga jeepney noong Disyembre dahil sa sunod-sunod na rollback sa presyo ng produktong petrolyo.
Samantala, sinabi naman ni Pasang Masda President Obet Martin, masyado pang maaga para humirit ng taas pasahe dahil kaya pa aniyang pasanin ng mga operators at drivers sa ngayon ang ipinatupad na oil price hike kahapon.
Dagdag ni Martin, saka na lamang silang hihirit ng taas pasahe kapag umabot na sa 44 pesos ang kada litro ng diesel.
Fare matrix
Nanawagan din ang FEJODAP sa pamunuan ng LTFRB na ibalik na sa dating sistema ng pagbalangkas ang mga inilalabas na fare matrix ng ahensya.
Ayon kay Maranan, Pangulo ng FEDOJAP walang basehan ang ngayo’y inilalabas na fare matrix sa tuwing may dagdag-pasahe.
Dati aniya ay maliwanag na nakasaad sa fare matrix kung saang mga lugar na may katumbas pang kilometro magiging epektibo ang dagdag-pasahe na ipatutupad.
Ito’y para na rin aniya sa kalinawan ng mga tsuper maging ng mga pasahero sakaling magkaroon nga ng dagdag-pasahe.
—-