Inihirit ng grupong Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) na maging P12 na ang minimum fare sa jeep.
Kasunod na rin ito ng patuloy na pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay FEJODAP President Zenaida Maranan, napapanahon na para itaas ang singil sa pasahe upang makagapay ang mga dryaber at operator sa mataas na presyo ng diesel.
Aniya, ilang taon na ang nakalipas nang humirit sila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng dalawang pisong dagdag sa minimum fare at pinagbigyan ito nuong hulyo sa pamamagitan ng provisional fare increase na dating walo ay ginawang siyam na piso.
Ang dati anilang hirit na P10 ay batay lamang sa presyuhan ng langis nuong mga nakalipas na taon habang ang dagdag na dalawang piso ay para naman ng presyuhan ng langis sa ngayon.
“Naibigay muli itong piso na ito nuong pa. Pero ngayon ayan inabutan nanaman tayo na halagang P11 na itinataas muli ng presyo ng krudo dapat ho magiging P12 na ang ating pamasahe.” Pahayag ni Maranan.
Hindi epektibo ang ‘pantawid pasada program’ ng gobyerno upang makaagapay ang mga drayber sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay FEJODAP President Zenaida Maranan, tanging ang mga operator lamang ang nakikinabang sa P5,000 ayuda ng gobyerno sa gasolina.
Sa halip, ayon kay Maranan ay bigyan na lamang sila ng diskwento para maramdaman ito ng pareho ng drayber at operator.
“kadalasan mag tanong ka sa mga tsuper ngayon tanong mo kung may natatanggap sila, walang natatanggap.” Ani maranan.