Humihirit ang isang Transport group ng dayalogo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang talakayin ang mga petisyon sa kanilang hiling na dagdag-pasahe sa jeep.
Dos pesos na fare hike ang hiling ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP) maging ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines.
Ito’y dahil sa walang-prenong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa kabila ng minsanang pagpapatupad ng rollback.
Ayon sa LTOP, nasa kamay na ng LTFRB ang pagpapatupad ng win-win solution para sa lahat ng stakeholders.
Bukod sa mga jeepney operator, humihiling din ang bus operators ng increase ng 4 pesos para sa ordinary trip habang 7 pesos para sa air-conditioned trip.
Bagaman nagpatupad ng bigtime price hike ang mga kumpanya ng langis noong isang linggo, biglang kambyo naman ang mga ito ng bigtime ding rollback na ilalarga bukas.
Una nang inihayag ng LTFRB na nakatakda itong maglabas ng desisyon sa fare hike petitions ng mga transport group ngayong buwan.