Nagpapasalamat ang grupong Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) sa pamahalaan sa muling pagbubukas ng biyahe papasok at palabas ng Metro Manila epektibo sa katapusan ng buwang kasalukuyan.
Sa panayam ng DWIZ kay PBOAP President Alex Yague, magandang pagkakataon na ito upang makabangon na muli ang mga driver ng provincial bus na nawalan ng trabaho sa nakalipas na anim hanggang pitong buwan.
Actually ang Region 3, mayroon nang biyahe ‘yan within the region. Nagsimula pa ‘yan noong July at August ‘yung maganda nito na buksan na itong Region 4 kasi ang Region 4 ngayon pa lamang magbubukas ng operationh ng provincial buses. ang inaasahan pa natin Jaymark ay magbukas rin ang iba pang region tulad ng Region 1, Region 2, the rest of Region 3. Pati ‘yung CAR at isunod rin natin diyan ‘yung galing sa Region 5 Bicol, Region 8 sa Eastern Visayas at Region 7 o Central Visayas. ani Yague
Kasunod nito, umapela ang PBOAP sa pamahalaan na huwag sanang putulin ang mga biyahe ng mga bus lalo na sa mga malalayong lugar upang matiyak na hindi magiging bantad sa virus ang mga pasahero kung magpapalipat-lipat ito ng sasakyan.
Bale dalawang bagay ‘yung kasama sa aming iminungkahi. Una kapag magbubukas sila ng ruta ng mga provincial buses lalo na po ‘yung mga malalayo na biyahe ‘yung mga tumatawid ng dagat o ‘yung nag-roro. Ang aming suhestiyon ay huwag nang putulin ang biyahe. Ang biyahe dapat ng provincial buses ‘yung galing sa terminal ng malalayong probinsiya dpat i-hatid derecho sa terminal nila sa loob ng Manila. ani Yague
Gayundin ay ang unti-unting pagdaragdag ng biyahe at pagpapalakas sa kapasidad ng mga pampublikong sasakyan upang mas maraming pasahero ang kanilang mapagsilbihan.
Kailangan natin gawing gradual lang para mangyari kapag nakita natin na maganda ‘yung pinapasunod nating procedures at tumutupad naman ang ating mga operator, tumutupad ang ating mga pasahero. Siguro kailangan natin dagdagan ‘yung capacity ng pwedeng sumakay ng bus. Kasi alam mo Jaymark pag-50% lang ang capacity ng bus hindi kikita ang bus. Sapat lang ‘yan para bayaran ang sweldo ng driver at bayaran ng krudo na gagamitin mo sa transportation at maaaring makanyan mo pang bayaran ang toll fee. Pero ‘yung bayad sa utang, amortization ng bus hindi sapat ‘yun. ani Yague — sa panayam ng Balitang 882