Nanawagan na kay House Speaker Martin Romualdez ang mga transport group na magpasa na ng batas na layuning maglaan ng 10% mula sa public transport consumers tax para sa public transport modernization.
Batay ito sa ipinadalang liham ng mga transport group kay Romualdez noong Martes.
Kabilang sa mga lumagda sina liga ng transportasyon at operators sa Pilipinas National President Orlando “Ka Lando” Marquez; FEJODAP President Ricardo “Boy” Rebaño; Pasang Masda President Roberto “Ka Obet” Martin at ACTO National President Levy De Luna.
Hiniling din ng mga transport group kina House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo at Committee on Transportation Chairman Romeo Acop na isponsoran ang panukalang batas.
Makatutulong anila ito sa mga operator at driver na makalikom ng pondo upang makabili ng mga bagong unit bilang bahagi ng modernisasyon.
Idinagdag pa ng mga nasabing grupo na gagamitin din ang pondo mula sa public transport consumers tax para sa pag-aaral ng mga anak ng mga puv o puj drivers at pabahay program sa mga operator at driver sa buong bansa.