Maglulunsad ng transport holiday ang Alliance of Concerned Transport Organizations o ACTO sa Lunes, December 7.
Ito’y bilang protesta sa plano ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na i-phase out na ang mga jeep simula sa January 2016.
Ayon kay ACTO President Efren de Luna, maghapon nilang isasagawa ang tigil pasada sa Metro Manila.
Iginiit ni de Luna na marami ang maaapektuhan sa oras na i-phase out ang mga jeep at wala namang inilatag na alternatibong sistema ng transportasyon ang gobyerno.
Iginiit ng ACTO ang pagbasura ng DOTC sa dagdag requirement ng LTO sa pagkuha ng driver’s license na malaking pasanin sa mga tsuper.
Samantala, ipinanawagan din ng transport group ang pagbibitiw sa puwesto nina Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Winston Ginez at professional at LTO Chairman Alfonso Tan.
Jeepney phase out
Samantala, wala pang desisyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB hinggil sa planong pag-phase out sa mga pampasaherong jeep.
Ito ang paglilinaw ng LTFRB kasunod na rin ng banta ng grupong ACTO na magsasagawa sana ng tigil pasada ngayong araw ngunit iniurong ito sa darating na Lunes.
Sa ipinalabas na kalatas, sinabi ng LTFRB na kasalukuyan pa rin silang nasa serye ng konsultasyon.
By Drew Nacino | Jaymark Dagala