Nanawagan ang ilang transport groups sa gobyerno na tulungan ang kanilang sektor na solusyunan ang kanilang hinaing tungkol sa epekto ng nagpapatuloy na krisis sa langis.
Ayon kay Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) president Ricardo “Boy” Rebaño, marami na kasing mga tsuper ang naghahanap ng ibang pagkakakitaan para lamang suporatahan ang kanilang pamilya.
Aniya, hindi na kasi nakasasabay ang mga ito sa walang humpay na taas-presyo sa produktong petrolyo dahil napupunta na lamang daw ang kanilang kita sa pagpapakarga ng gasolina.
Inihayag naman ni Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda na nasa P300 na lamang kada araw ang naiuuwi ng mga tsuper mula sa 12 hanggang 18 na pamamasada.
Matatandaang nagpatupad ng fuel subsidy ang pamahalaan para ibsan ang epekto sa public transport sector ng serye ng fuel price hike bunsod na rin ng gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Pero sa ngayon, nasa 180,000 mula sa 377,000 na mga kwalipikadong drayber at operator ng public utility vehicle (PUV) ang nakatanggap na ng P6,500 fuel subsidy.