Wala nang atrasan ang isasagawang kilos-protesta ng iba’t ibang transport group upang tutulan ang ikinakasang modernisasyon ng pamahalaan sa sektor ng transportasyon partikular na ang jeepney phaseout.
Ayon kay George San Mateo, Pangulong PISTON o Pinagkaisang Samahan ng Transport Operators Nationwide, walang makikinabang sa plano ng administrasyong Duterte kundi ang pribadong sektor o ang mayayamang korporasyon.
Tila kinopya lamang aniya ng kasalukuyang administrasyon ang mga plano ng mga nagdaang pamunuan ng Department of Transportation o DOTr tulad nila dating Sec. Mar Roxas at Jun Abaya na kontra masa ngunit nagawa naman nilang pigilan.
Mula sa Eliptical Road sa Quezon City, magmamartsa ang PISTON, No to Jeepney Phaseout Coalition at Save Our Jeepneys Network patungong Mendiola upang doon magsagawa ng programa ganap na alas-7:00 ngayong umaga.
Class suspensions
Suspendido ngayong araw na ito ang klase sa ilang bayan sa Bulacan at maynila.
Dahil ito sa nakatakdang strike ng transport groups.
Kabilang sa suspendido ang klase sa lahat ng antas sa Malolos City, San Miguel, Sta. Maria at San Jose del Monte.
Wala namang pasok sa senior high school at college level sa Baliuag.
Sa Maynila, suspendido ang klase sa senior high level ng FEU o Far Eastern University.
Kanselado rin ang klase mula Kinder hanggang Grade 12 level ng University of the East Manila at Caloocan.
Nitong Sabado ay nagdeklara muli ng transport caravan ang ib’at ibang grupo bilang protesta pa rin sa nakaambang phaseout ng mga lumang pampasaherong jeep.
Kasabay din ng caravan sa Maynila ang mga pagkilos sa Zambales, Bataan at Pampanga.
By Jaymark Dagala | ulat ni Gilbert Perdez
Transport strike kontra jeepney phaseout tuloy ngayong araw was last modified: July 17th, 2017 by DWIZ 882