Nanindigan si Transportation Secretary Arthur Tugade na hindi siya magbibitiw sa pwesto sa kabila ng panawagan ng ilang Kongresista matapos ang pagkalas ng dalawang bagon ng MRT-3.
Ayon kay Tugade, tanging si Pangulong Rodrigo Duterte ang maaaring magsibak sa kanya sa posisyon o ipag-utos na magbitiw na siya sa tungkulin.
Kahit anya mag-resign siya ay nariyan pa rin ang problema sa MRT, matinding traffic sa Metro Manila at sa kabuuang sistema ng transportasyon ng bansa.
Bagaman hindi naglatag si Tugade ng plano upang resolbahin ang problema sa MRT-3, inihayag naman ni Undersecretary for Rails Cesar Chavez na mayroong 3 step plan ang kanilang kagawaran.
Ito ay ang pag-procure ng mga critical rehabilitation service para sa total rail replacement, signaling system, air-conditioning units maging ang general overhaul ng 38 Light Rail Vehicles, bago matapos ang taon.