Mas bumagal pa ang daloy ng trapiko sa Edsa.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nasa 7 hanggang 11 kilometers per hour na lamang ang takbo ng mga sasakyan sa Edsa.
Kumpara ito sa dating 19 kilometers per hour.
Dahil dito, inaabot na ng 3 hanggang 4 na oras ang biyahe mula Monumento hanggang Mall of Asia mula sa dating 1 oras at 45 minuto na biyahe.
Ayon kay MMDA general manager Jojo Garcia, sanga-sanga na ang dahilan ng sobrang pagbigat ng daloy ng trapiko sa Edsa.
Bukod aniya sa volume o dami ng mga sasakyang dumaraan sa Edsa at mga pasaway na drivers, dumadagdag na rin ngayon ang holiday season at paghahanda sa SEA games.
Paliwanag ni Garcia, dumarami na ang mga sasakyan sa kalsada pero hindi pa nadaragdagan ang mga imprastraktura tulad ng mga bagong highway.
Sa ngayon, umaabot na sa mahigit 400,000 mga sasakyan ang dumadaan sa Edsa gayong ang kapasidad lamang nito ay 280,000 mga sasakyan.