ISINIWALAT ng isang survey firm na kalahati ng mga Pilipino ang kumbinsido na manunumbalik lamang ang traditional politics o trapo kung mananalo sa Eleksiyon 2022 si dating senador at presidential aspirant Bongbong Marcos.
Ayon sa non-commissioned survey ng Tangere, isang award winning team na nagbibigay ng real time actionable market insights para sa Public at Private Sector noong December 13, lumabas na mahigit kalahati o 52 porsiyento ng 1,200 respondents mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ang nagsasabing hindi aangat ang kanilang buhay kapag nanalo si Marcos.
Sinasabing ito ang dahilan kaya naghahanap ng alternatibong lider ang mga na-survey sa katauhan nina Manila Mayor Isko Moreno at Sen. Manny Pacquiao.
Pahayag naman ni Tangere founder at CEO Martin Peñaflor, lumitaw sa kanilang pag-aaral na ang mga mahihirap na sektor ang nawalan ng tiwala sa dating senador.
Maging ang pamilya ng mga taga-Metro Manila na bumoto noon kay dating Sen. Mar Roxas ay naniniwalang wala rin umanong pagbabago sa bansa kung nanalo ito noong 2016 polls.
Tinatayang 30 porsiyento lamang ng mga tumugon sa survey ang naniniwala na isang matatag na lider si BBM.