Sinuspinde ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang operasyon ng trash hauler o garbage transfer facility na Phileco o Philippine Ecology Systems Corporation.
Ito’y ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu ay kasunod ng pagtagas ng maruming tubig sa Manila Bay mula sa katas ng mga basura sa bahagi ng Pier 18 sa Tondo, Maynila.
Batay sa ulat ng Environmental Management Bureau – National Capital Region o EMB-NCR na nagkaroon ng paglabag ang Phileco sa mga isinasaad ng kanilang Environment Compliance Certificate (ECC) na inilabas sa Vitas Marine Loading Station (VMLS) sa nasabing lugar.
Ang VLMS ay ang transfer facility ng Phileco na isang subsidiary ng R2 Builders na pagmamay-ari ni Regis Romero para sa mga basurang nako-kolekta sa Metro Manila at dinadala sa apatnapung (40) ektaryang sanitary landfill sa bahagi ng Navotas City.
Galaw ng trash hauler ng R2 Builders babantayan ng DENR
Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na mahigpit nilang babantayan ang kumpaniyang Phileco o Philippine Ecology Systems Corporation na subsidiary ng R2 Builders na pagmamay-ari ni Regis Romero.
Ito’y ayon mismo kay DENR Secreatry Roy Cimatu matapos nitong patawan ng suspensyon ang nasabing trash hauler facility sa Pier 18, Tondo Maynila bunsod ng pagtagas ng katas ng basura sa Manila Bay.
Magugunitang personal na ininspeksyon ni Cimatu ang VLMS ng Phileco noong Setyembre 27 o dalawang araw matapos ang paglalabas ng Environmental Management Bureau – National Capital Region o EMB – NCR ng notice of adverse findings laban sa Phileco.
Kasunod nito, iginiit ni Cimatu na tama lamang ang ginawang aksyon ng Phileco na harapin ang parusa sa kanila dahil sa kanilang naging paglabag sa kabila ng kanilang mga nagawang paunang hakbang hinggil dito.