Inabot ng mahigit dalawampu’t isang (21) oras ang traslacion ng Itim na Nazareno sa Maynila.
Alas-2:21 ng madaling araw nang makapasok ang andas ng Poong Nazareno sa Quiapo Church.
Sinalubong ng malakas na sigawan ng Viva Señor ang poon sa pagpasok nito sa loob ng simbahan na sinundan pa ng fireworks.
Pasado alas-5:00 ng madaling araw nang magsimulang umusad ang andas ng poon mula sa Quirino Grandstand.
Naging mabagal ang pag-usad dito dahil sa dagat ng tao na nagnanais na makasampa sa andas.
Bandang alas-10:40 ng gabi nang maganap naman ang tradisyunal na dungaw sa San Sebastian Church.
Dito ay dumungaw ang imahe ng Our Lady of Mount Carmel de San Sebastian sa dumadaan na Itim na Poong Nazareno.
Ilang minuto namang tumahimik at nag-alay ng dasal ang mga deboto bago itinuloy ang traslacion.
Generally peaceful
Samantala, pangkalahatang naging mapayapa ang traslacion ng Itim na Nazareno ngayong taon.
Sa pagtataya ng Philippine National Police (PNP), pumalo sa 2.5 milyong tao ang nakilahok sa iba’t ibang aktibidad bago at ang mismong traslacion.
Sa panayam ng DWIZ sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director General Guillermo Eleazar, walang anumang naitalang casualty ngayong taon at mas kakaunti rin ang binigyan ng medical assistance.
Isang untoward incident lamang ang naitala sa gawi ng Quiapo kung saan naaresto ang isang magnanakaw.
Kaugnay nito, kinilala ni Eleazar ang pagsisikap ng mga awtoridad at iba pang ahensya ng gobyerno para siguruhing maayos at ligtas ang traslacion.
Nagpasalamat din si Eleazar sa mga deboto na nagpakita naman ng disiplina at walang patid na pananampalataya sa Poong Nazareno.
Dagdag ni Eleazar, napakalaki na ng iginanda ng traslacion ngayong taon sa lahat ng aspeto tulad ng seguridad.
Aniya, maliban sa seguridad, makikita ring napaghandaan na Metro Manila Development Authority (MMDA) kung paano tutugon sa malaking kalat na maaaring maiwan ng apat na araw na aktibidad na nagtapos sa traslacion o pag-uwi ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church.
Batay sa pagtaya ng PNP-NCRPO, mahigit sa 4 milyon ang dumalo sa mga aktibidad para sa Itim na Nazareno, halos isang milyon dito ang lumahok sa traslacion.
“Overall maganda ang naging takbo ng traslacion, nagkaroon ng improvement, coordination, magandang arrangement na puwedeng ma-improve pa natin sa mga susunod na taon.” Pahayag ni Eleazar
(Balitang Todong Lakas Interview)