Walang balak ang pamahalaan na kanselahin ang traslacion ng Itim na Nazareno sa Quiapo sa Enero 9, Lunes.
Ito ang pagtitiyak ni Interior and Local Government Secretary Mike Sueno.
Ayon kay Sueno, titriplehin ang seguridad sa traslacion kaysa irekomenda ang pagsuspindi sa traslacion sa gitna rin ng umano’y banta sa seguridad nito.
Sinabi ni Sueno na duda siya kung susundin ng mga deboto ng Itim na Nazareno sakaling ipag-utos nilang huwag nang isagawa ang traslacion.
Binigyang diin pa nito na hindi nila pipigilan ang mga deboto na dumalo sa traslacion ngunit umapela ng pakikipagtulungan sa mga awtoridad upang matiyak na ligtas ang gagawing pagdiriwang.
Bahagi ng pahayag ni DILG Secretary Mike Sueno
3-day gunban
Tatlong araw magpapatupad ng citywide gun ban sa buong lungsod ng Maynila kasabay ng traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa Enero 9.
Ito’y makaraang ipag-utos ni PNP Chief Dir/Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang suspensyon sa permit to carry firearms outside residence sa nasabing lungsod alinsunod na rin sa rekumendasyon ng National Capital Region Police Office o NCRPO.
Ayon kay Dela Rosa, tanging ang mga naka-unipormeng pulis, sundalo at on duty security guards lamang ang papayagang makapagdala ng armas sa naturang araw.
Epektibo ang nasabing gunban mula alas-12:00 ng hatinggabi ng Enero 8 at magtatapos naman alas-11:59 ng Enero 10.
Paliwanag ni Dela Rosa, bahagi aniya iyon ng kanilang pag-iingat upang matiyak na walang maitatalang insidente ng karahasan sa mismong araw ng traslacion.
Security
Tiniyak naman ng Malacañang ang kaligtasan ng mga dadalo sa traslacion ng itim na Nazareno.
Ito’y sa kabila ng kumpirmasyon ni Interior Secretary Mike Sueno sa posibleng banta ng pag-atake ng mga teroristang grupo sa mismong araw ng pista ng poon.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, nagtutulungan na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga deboto.
Katunayan, sinabi ni Abella na naglatag na ng security plan ang Department of Health at Department of Pubic Works and Highways gayundin ang pulisya, militar, Coast Guard maging ang lokal na pamahalaan ng Maynila upang masiguro na mananatiling sagrado at masaya ang pagdiriwang.
By Jaymark Dagala | Judith Larino | Aileen Taliping (Patrol 23)