Ikinababahala ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte ang inilabas na travel advisory ng pamahalaan ng Canada laban sa pagbiyahe sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Ang pahayag ay ginawa ni Duterte matapos balaan ng Canada ang kanilang mga mamamayan na iwasang bumiyahe sa ilang lugar sa bansa dahil sa umano’y mga insidente ng krimen, terorismo, armadong sagupaan, at kidnapping.
Kabilang sa mga lugar na ito ang Davao de Oro, Davao del Norte, Davao del Sur (maliban sa Davao City), Davao Occidental, Davao Oriental, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Lanao del Sur, Maguindanao, Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Occidental, Misamis Oriental, Cotabato at Sarangani.
Tinukoy din ang South Cotabato, Sultan Kudarat, Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Islands, at Surigao del Norte, maliban sa Siargao Island at Surigao del Sur.
Samantala, sinabi ni Duterte na ang mas higit na nakakabahala ay ang mga pangamba na maaaring hudyat lamang ito ng mas seryosong mga problema sa seguridad at kaayusan sa ating mga komunidad.