Hindi na ikinagulat ng Malakanyang ang paglalabas ng Estados Unidos ng babala sa kanilang mga mamamayan na nandito sa Pilipinas na mag-ingat laban sa anomang banta ng terorismo o karahasan.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, normal naman ginagawa ng bansa sa paglalabas ng mga travel advisory dahil kailangang pangalagaan ng mga ito ang kapakanan at kaligtasan ng kanilang mga mamamayan.
Nilinaw din ni Panelo na hindi naman ito ikinasama ng loob ng pamahalaan dahil karapatan ito ng mga bansa lalo’t mayroon silang mga kababayan na nandito sa Pilipinas.
Gayunman, iginiit ni Panelo na naniniwala sila sa naging pahayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ligtas na bumiyahe sa Mindanao.
Matatandaan na hanggang sa ngayon ay umiiral pa rin ang batas militar sa buong Mindanao.