Ipinasara na ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang isang travel agency sa San Fernando, Pampanga dahil sa pag-alok ng mga pekeng trabaho sa Poland.
Inihayag naman ng Department of Migrant Workers (DMW) na pinatigil din ng POEA ang operasyon ng dalawa pang opisina ng Idplumen Travel Consultancy Services sa Santiago City, Isabela at sa Tabuk City, Kalinga.
Ayon kay DMW Secretary Susan Ople, sinalakay ng mga tauhan ng Anti-Illegal Recruitment Branch (AIRB) ng POEA ang tatlong opisina ng Idplumen matapos itong ireklamo sa paniningil ng hanggang 122,000 pesos na processing fee.
Sa tulong ng POEA, nakumpirma ng DMW na walang lisensya ang nabanggit na travel agency sa pangangalap nito ng mga aplikanteng na nais makapagtrabaho sa ibang bansa.
Nahaharap naman sa kasong illegal recruitment ang may-ari ng naturang travel agency.