Nilinaw ng Department of Tourism (DOT) na hindi na kailangan pang kumuha ng travel authority mula sa Philippine National Police ang mga lokal na turista na magtutungo sa isla ng Boracay.
Ayon kay Tourism Sec. Bernadette Romulo-Puyat, sapat na ang negatibong resulta ng swab test na ipiprisinta sa loob ng 48-oras hanggang 72-oras bago ang byahe.
Maliban dito, dapat din aniyang mayroong online health declaration forms ang mga bibiyahe at confirmed accommodation booking bago sila pasakayin ng eroplano.
Pinaalala rin ng DOT-Western Visayas sa mga magtutungo sa Boracay na itago ang kanilang tourist QR codes para sa mga kakailanganing serbisyo sa isla.