Hindi naging maganda ang naging reaksyon ng gobyerno ng Taiwan matapos itong isama sa travel ban ng Pilipinas dahil sa banta ng corona virus disease (COVID-19).
Ayon kay Lito Banayo, chairman ng Manila Economic and Cultural Office (MECO), na siya ring kinatawan ng Pilipinas sa Taiwan, ikinagalit ng Taiwanese government ang naging hakbang na ito ng Pilipinas.
Aniya, dahil dito ay nanganganib ang trabaho ng libo libong Pilipino sa Taiwan dahil maaari umanong itong tanggalin sa kani-kanilang trabaho bilang ganti ng Taiwan.
Maaari aniyang kumuha nalang ng ibang nasyunalidad ang maraming kumpanya sa Taiwan bukod sa mga Pinoy.
Ayon kay Banayo, labis itong ikinasama ng loob ng Taiwanese governement dahil nabiharan na umano ng usaping politikal ang pagsama sa Taiwan sa travel ban.
Paniwala ng Taiwan, bunga ito ng tinatawag na ‘One China Policy’ o ang pagturing sa Taiwan bilang lalawigan ng China.
Giit ng Department of Health (DOH), ang pagsama sa Taiwan sa travel ban ay pagsunod sa rekomenadsyon ng World Health Organization (WHO).
Hiniling naman ni Banayo na muling pagaralan ng Pilipinas ang pagsali sa Taiwan sa travel ban dahil makakaapekto ito sa 160,000 Filipino na nadoon.
Martes nang isama ng DOH ang Taiwan, kabilang ang China, Hong Kong at Macau sa travel ban dahil sa banta ng COVID-19.