Epektibo na ngayong araw na ito, Disyembre 1 ang travel ban ng South Korea sa kanilang mga mamamayan na tutungo sa bansa.
Ibig sabihin, pagbabawalan na ng South Korea ang kanilang mamamayan na magtungo sa apat na rehiyon ng Mindanao partikular sa Zamboanga, Sulu, Basilan at Tawi-Tawi.
Kasunod na rin ito ng serye ng karahasan na naitatala roon kung saan noong buwan ng Enero, natagpuang patay ang isang 70 taong gulang na South Korean sa Zamboanga matapos itong dukutin.
Samantala, nababahala si Vice President Jejomar Binay sa inisyung travel ban ng South Korea sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Kaugnay nito, sinabi ni Binay na tila hindi totoo ang sinasabi ng pamahalaan na bumaba na ang naitatalang krimen sa bansa.
Malinaw aniya na hindi naipatutupad nang maayos ang peace and order sa bansa dahil mahina ang implementasyon ng batas at ng penal system.
Dahil dito, nanawagan ang Bise Presidente na rebyuhin ang penal system sa bansa para hindi mawalan ng gana ang publiko, gayundin ang mga dayuhan sa takbo ng hustisya sa Pilipinas.
By Meann Tanbio | Allan Francisco