Pinalawig pa ng Bureau of Immigration (BI) ang travel ban sa 10 bansa na unang nakapagtala ng kaso ng Delta variant ng COVID-19.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, epektibo ang travel restrictions sa India, Pakistan, Nepal, Bangladesh, Sri Lanka, Oman, United Arab Emirates, Indonesia, Malaysia, at Thailand simula ngayong araw hanggang Agosto 31, 2021.
Alinsunod ito sa resolusyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, at laban sa Delta variant ng COVID-19.
Kaugnay nito, sinabi ni Morente na hiniling na nila sa mga airlines na huwag isakay ang mga dayuhan mula sa mga nasabing bansa.
Samantala, papayagan pa ring makapasok sa Pilipinas ang mga Pilipinong mula sa mga nabanggit na bansa ngunit dapat na mayroong negative swab test result at sasailalim sa mandatory 14-day facility-based quarantine pagdating sa bansa. —sa panulat ni Hya Ludivico