Maaaring payagan na ng Department of Tourism (DOT) ang pagpasok ng mga turistang nanggaling sa bansa na may mababang bilang o wala ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay DOT Secretary Bernadette Romulo-Puyat, ang paraang ito ay tatawagin nilang ‘travel bubbles’ o ‘travel corridors’.
Dagdag pa ni Puyat, makikipag-ugnayan ang ahensya sa iba’t-ibang bansa na may mababa hanggang sa zero case ng nakamamatay na virus, na puwede nang pumunta sa mga kilalang tourist destination sa bansa ang kani-kanilang mga nationals.
Nauna rito, isa ang ang sektor ng turismo sa labis na naapektuhan buhat nga ng ipinatupad na community quarantine kontra COVID-19 pandemic.
Samantala, nagpaalala ang mga awtoridad na 50% capacity pa lamang ang pinapayagan ng pamahalaan na magsagawa ng tourism activities sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).