Nananatili pa rin ang travel restrictions dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ang ipinaalala ng Bureau of Immigration (BI) sa gitna na rin ng panawagang payagan nang makapasok ang mga dayuhang may kasintahang nasa Pilipinas.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, kanilang kinikilala ang nagtrending na #LoveIsNotTourismMovement.
Naiintindihan aniya nila kung gaano kahirap ang mahiwalay sa mga mahal sa buhay.
Dagdag pa ni Morente, handa silang magpatupad ng anumang pagbabago alinsunod sa kung anong desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Samantala, magugunitang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na hindi pa handa ang bansa na tumanggap nang mas marami pang mga dayuhan kasabay na rin ng unti-unting hakbang ng gobyerno sa pagbubukas muli ng borders ng bansa.