Isasailalim sa mandatory 14-day quarantine ang lahat ng mga manlalakbay na manggagaling sa mga bansang nakapagtala na ng bagong strain ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang isa sa mga inaprubahang rekomendasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pulong kasama ang iba pang opisyal ng pamahalaan kaugnay ng naturang strain, kahapon.
Ani Roque, agad na isasailalim sa 14 day quarantine ang lahat ng mga manggagaling ng mga naturang bansa, ano man ang maging resulta ng kanilang RT-PCR test.
Kabilang aniya sa mga bansang ito ang Hong Kong, Australia at Singapore.
Dagdag ni Roque, pa-iigtingin din ng pamahalaan ang kanilang virus surveillance para matukoy kung nakapasok na sa Pilipinas ang bagong strain ng COVID-19.
Sinabi ni Roque, sa kasalukuyan ay wala pang anumang datos ang pamahalaan kung nagkaroon na ng pagsirit sa bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.