Maaaring kasuhan ang mga biyaherong nagmula sa ibang bansa na nagbigay ng mali o hindi kumpletong impormasyon sa kanilang declaration form.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, III, dapat totoo ang mga impormasyon na ibibigay ng mga pasahero lalo na kung galing sila sa ibang bansa.
Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng pagbibigay ng mali o kulang na impormasyon ng pitong biyahero na dumating sa bansa mula South Africa.
Sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng maparusahan sa ilalim ng Republic Act 11332 o ang mandatory reporting of notifiable diseases ang mga biyahero kung mapapatunayang sinadya ng mga ito na magbigay ng maling impormasyon.
Tiniyak naman ng DOH na patuloy na iniimbestigahan at tinutunton ang naturang mga biyahero.