Humingi ng paumanhin sa mga motoristang naapektuhan ng ipinatutupad na cashless transaction ang pamunuan ng Toll Regulatory Board (TRB).
Ito’y makaraang magdulot ng masikip na daloy ng trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX) dahil sa aberyang idinudulot ng pagpapatupad ng cashless transaction gamit ang radio-frequency identification (RFID) .
Sa panayam ng DWIZ kay Julius Corpuz, tagapagsalita ng TRB, sinabi nito na batid nila na may nangyayaring problema sa pagpapatupad nito.
Kung kaya’t binigyang diin ni Corpuz na ginagawa na nila ang lahat ng kanilang makakaya para gumawa ng agaran at pangmatagalang solusyon para hindi na makaabala sa mga bumbyaheng motorista.
We apologize sa mga technical difficulties na naranasan at nararanasan pa rin sa RFID nila. Nakatuon po ang pansin namin sa bawat problema pong natatanggap namin, nakikita namin ay aming idinudulog at pinag-uusapan para maayos kaagad o malagyan ng mga intervention measures na maayos naman ang problema gaya nang hindi pagbasa ng tag, mga ganoon, hindi umaakyat ‘yung barrier, ‘yung load na na-accredit o kaya ay na-overcharged,” ani Corpuz.
Una rito, pinasuspinde ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang business permit ng NLEX, dahilan para hindi ito makapag-operate at makapaningil sa ilan nilang tollgates.
Sa huli, iginiit ni Corpuz na dapat matugunan ang hinaing ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela sa naturang isyu, habang sa panig ng NLEX ay nararapat lamang aniya na magkaroon ng konkretong solusyon sa aberya.
Unang-una matugunan ng maayos ‘yung mga hinaing ng taga-Valenzuela City dahil itong si Mayor Rex. At ang NLEX naman, syempre, ang hangad din naman namin ay maging maayos din naman ang operations sa buong NLEX,” ani Corpuz. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas