Siniguro ng Toll Regulatory Board (TRB) na kanilang inaaksyunan ang mga problemang hatid ng ipinatutupad na cashless transaction sa mga expressways.
Sa inilabas na pahayag ng TRB, sinabi nito maaaring maharap sa parusa at posibleng pang mauwi sa suspensyon ng toll collection ng mga toll operators, oras na makitaan ang mga ito ng paglabag sa nakalatag na implementing rules and regulations (IRR).
Binigyang diin pa ng TRB na nagpapatuloy ang ginagawa nitong audit sa operasyon at sistema ng cashless transaction.
Kabilang sa nakitang problema, ay mga radio-frequency identification (RFID) sensors na kung minsan ay hindi gumagana.
Kung kaya’t, inatasan na ng TRB ang mga toll operators na gawin ang mga sumusunod na aksyon:
- ang agarang pagpapalit sa mga luma at mga hindi gumaganang sensors;
- ilipat sa ibang posisyon ang mga installation at reloading lanes na pawang nakakaapekto sa daloy ng trapiko;
- siguruhin na ang pagsasagawa ng maintenance sa systems software;
- at, ang pagsasaayos ng traffic management at pakikipag-ugnayan sa mga tumatangkilik ng toll plazas.