Walang direktiba ang Toll Regulatory Board (TRB) kaugnay sa pansamantalang pagpapasara umano ng Skyway Stage 3 simula alas-5 ng hapon ngayong Martes, ika-16 ng Marso.
Sa panayam ng DWIZ, ito ang kinumpirma ng tagapagsalita ng TRB na si Julius Corpuz, makaraang magpalabas ng abiso ang Skyway O&M Corporation hinggil dito.
Ani Corpuz, kanila ngayong bineberipika kung kanino nagmula ang naturang kautusan at kung ano ang kadahilanan kung tunay man ang impormasyon.
‘Yun nga po ang ating inaalam sa ngayon, sapagkat sa aking personal na kaalaman, wala pong kautusan na binigay ang aming TRB management na ipasara ang Skyway Stage 3,” ani Corpuz sa panayam ng IZ sa Alas Sais.
Samantala, kasunod nito ay naglabas din ng opisyal na pahayag ang TRB hinggil dito, at nanindigang wala itong inisyung desisyon na ipasara ang Skyway Stage 3 ngayong hapaon.
BASAHIN: Toll Regulatory Board, naglabas na rin ng opisyal na pahayag hinggil sa pagpapasara umano ng Skyway Stage 3 simula alas-5 ng hapon ngayong Martes | via @TRBph pic.twitter.com/H0vEoJCnPU
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) March 16, 2021
Magugunitang batay sa anunsyo ng Skyway SOMCO, ang pagpapasara ‘indefinitely’ ng Skyway Stage 3 ay upang bigyang daan ang konstruksyon ng mga ramps sa naturang daan.