Patay ang isang tricycle driver at pasahero nito matapos salpukin ng isang SUV at mahulog sa ilog sa Malabon.
Kinilala ang mga biktima na si Norberto Pinuela, 65-anyos, driver ng tricycle, at pasahero niyang si Novelina Esto, 54-anyos habang kinilala naman ang suspek na driver ng SUV na si Kim Russel Sioco.
Base sa nakuhang CCTV ng mga otoridad, binabaybay ng mga biktima ang Lambingan Bridge sa Barangay Concepcion nang biglang mapunta sa kanilang linya ang kasalubong na SUV.
Dito na sila nasalpok kung saan, sa lakas ng pagkakabangga ay nawasak ang harapan ng suv habang humiwalay naman ang sidecar ng tricycle, at tumilapon sa ilog si Pinuela.
Nakita na lamang ang bangkay ni Pinuela kinaumagahan sa bahagi na ng katabing bayan ng Navotas.
Nakadetine na sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Sioco na mahaharap sa reklamong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Homicide. —sa panulat ni Angelica Doctolero