Isa ang patay habang lima ang sugatan matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang tricycle sa poste ng kuryente sa Payatas, lungsod ng Quezon.
Kinilala ng Quezon City Traffic Sector 5 ang nasawi na si Alberto Campano, 50 anyos na siyang nagmamaneho ng naturang tricycle.
Patungo sanang Rodriguez, Rizal ang naturang tricycle kung saan magsu-swimming sana ang mga sakay nito nang mangyari ang insidente.
Sinasabing mabilis umano ang pagpapatakbo ng tsuper sa kaniyang tricycle nang sumalpok ito sa poste kung saan tumilapon ang driver at tumama ang ulo nito sa bato.
Agad namang dinala sa East Avenue Medical Center ang mga sugatan na may edad 15 hanggang 19 at kasalukuyang nilalapatan ng lunas.
Ayon sa mga residente, madalas anila ang mga nangyayaring aksidente sa kanilang lugar dahil sa pakurbang daanan nito.