Agad na aarestuhin ng pulisya si Senador Antonio Trillanes IV oras na magpalabas na ng warrant of arrest ang Makati Regional Trial Court (RTC).
Ito ang inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Spokesperson Jonathan Malaya alinsunod na rin aniya sa Proclamation No. 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan inatasan nito ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na arestuhin ang senador.
Ayon kay Malaya, nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng inihirit na alias warrant ng DOJ sa Makati RTC.
Binigyang diin din ni Malaya na kinakailangan din nilang sundin ang kautusan ng pangulo sa DOJ at AFP na ipagtuloy ang lahat ng kasong kriminal at administratibo laban kay Trillanes.
Paligid ng Senate building guwardyado pa rin mga sundalo at pulis
Nananatili sa loob ng Senate building sa Pasay City si Senador Antonio Trillanes IV matapos ilabas ang arrest order o bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnesty na iginawad sa mambabatas.
Simula kagabi ay nagtipon sa labas ng Senado ang mga supporter ni Trillanes subalit karamihan ay nag-uwian kaninang madaling araw habang nagpakita rin ng suporta ang mga kasamahan tulad ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano.
Bagaman nasa paligid lamang ng Senate building ang ilang sundalo at pulis sa pangunguna ng mga tauhan ng PNP-CIDG, hindi pa agad maaaresto si Trillanes.
Ito’y dahil tinanggihan ni Makati Regional Trial Court Judge Andres Soriano sa mosyon ng Department of Justice o DOJ na mag-issue ng alias warrant of arrest at hold departure order laban sa senador.
Hindi naman matiyak ni Soriano kung kailan siya makapaglalabas ng arrest warrant laban kay Trillanes na nasa kustodiya pa rin ng Senado.—Drew Nacino
(Ulat ni Gilbert Perdez)