“May korupsyon ba sa Customs o wala?”
Nagka-tensyon sa pagitan nina Senador Antonio Trillanes IV at Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado ngayong araw sa P6.4 billion drug shipment na nakalusot sa bansa mula China.
Ito ay matapos na tumanggi si Faeldon na sagutin ang tanong ni Trillanes kung may korupsyon ba sa Bureau of Customs.
Ayon kay Faeldon hindi na siya sasagot sa mga tanong ng senador dahil una pa lang ay nahusgahan na siya nito.
“In the past few days, the honorable senator has come up with a lot of accusations already that I am in the middle of the smuggling of shabu in the country. It is pointless for me to answer these questions because he has already come up with a conclusion already.”
Matatandaang inakusahan ni Trillanes si Faeldon na siya umanong sentro ng itinuturing na pinakamalaking drug shipment sa bansa na nakalusot sa Customs.
Nagbanta pa si Trillanes na i-cite for contempt si Faeldon kung patuloy itong magmamatigas.
Sinabi naman ni Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon na dapat irespeto ni Faeldon ang Senado at ipinaalala sa dalawa na huwag dalhin sa Senado kung meron man silang personal na alitan.
Dahil sa tensyon ay nag-break muna ang sesyon ng ilang minuto at nilapitan ni Gordon si Faeldon para kausapin.
Nakita rin na maluha-luha ang Customs Commissioner.
—AR | DWIZ 882 | Photo Credit: Cely Bueno