Susunod nang sasampahan ng kaso si Senator Antonio Trillanes IV na kilalang kritiko ng administrasyong Duterte.
Magugunitang kinasuhan at nakakulong na ngayon ang isa pang kritiko ng gobyerno na si Senadora Leila de Lima.
Ayon kay Solicitor General Jose Calida, posibleng makasuhan si Trillanes sa ginagawa nitong pagbibigay ng seguridad sa mga nagpakilalang miyembro ng Davao Death Squad si Edgar Matobato at Arthur Lascañas.
Sinabi naman ni Trillanes na hindi lamang simpleng pagsasampa lamang ng kaso ang gagawin sa kanya kundi ipapapatay at palalabasing nasangkot sya sa vehicular accident.
Ngunit sa kabila nito, nangako ang senador na hindi siya titigil sa kanyang ginagawang pagbabantay sa mga pag-abuso ng administrasyon.
Aguirre’s speech at the pro-Duterte rally
Samantala, binatikos ng ilang senador ang naging talumpati ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa pro – Duterte rally.
Sa naging rally, magugunitang tinanong ni Aguirre ang mga tao kung sino ang gusto nilang isunod na kasuhan.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, panganib ang naging panawagan ng kalihim dahil nagsisimula ito ng tinatawag na lynch mob mentality.
Para naman kay Senador Francis Pangilinan, hindi katanggap-tanggap ang naging mga pahayag ni Aguirre dahil ang ebidensya ang syang dapat na maging basehan ng pagsasampa ng kaso hindi ang isinisigaw ng mga tao.
Tinawag namang perya barker ni Senador Grace Poe si Aguirre dahil hindi umano asal ng isang kalihim ang ginawa nito.
Ikinumpara naman ni Senador Antonio Trillanes si Aguirre kay Pontio Pilato.
Dumipensa naman si Aguirre sa kanyang ginawa dahil para sa kanya isa lamang itong joke.
By Rianne Briones