Naghain ng motion for reconsideration sa Korte Suprema sina Senador Antonio Trillanes IV at Leila de Lima.
Ito ay upang hilingin sa Kataas-taasang Hukuman na irekonsidera ang nauna nitong desisyon pabor sa inihaing quo warranto petition ni Solicitor General Jose Calida na nagresulta sa pagpapatalsik sa puwesto ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Nakasaad sa petisyon nina Trillanes at De Lima, pinangunahan anila ng Korte Suprema ang kapangyarihan ng Senado na magtanggal ng isang impeachable official tulad ni Sereno sa pamamagitan ng impeachment trial.
Tinukoy din nina Trillanes at De Lima sa kanilang petisyon, ang panukalang resolusyon sa Senado na pirmado ng labing apat (14) na senador na humihimok sa Korte Suprema na muling repasuhin ang kanilang pasiya sa nasabing quo warranto petisyon.
—-