Hindi natinag si Senator Antonio Trillanes IV sa kabila ng inisyung warrant of arrest ng Makati Regional Trial Court kaugnay ng libel case na isinampa ni dismissed Makati Mayor Junjun Binay laban sa kanya.
Aniya, nagkakamali ang kampo ni Vice President Jejomar Binay kung inaakala nitong mapapatahimik siya sa pagsisiwalat at pag-iimbestiga sa mga isyu ng katiwalian laban sa mga Binay.
Iginiit ni Trillanes na hindi niya umano hahayaan na mga magnanakaw ang makapamuno sa bansa.
Sa ngayon ay pag-aaralan aniya ng kanyang mga abogado kung ano ang nararapat na magiging susunod nilang hakbang.
Ang libel case na isinampa laban sa senador ay may kaugnayan sa naging alegasyon nito na nanuhol umano sa ilang Court of Appeals (CA) justices sina dating Makati City Mayor Junjun Binay kung kayat nakakuha ng temporary restraining order mula sa CA.
Binay’s Camp
Pinatutunayan lamang ng arrest warrant na inisyu kay Senador Antonio Trillanes na ang mga akusasyon nito laban sa pamilya Binay ay hindi totoo.
Ito ang tahasang sinabi ni Atty. Claro Certeza, legal counsel ng pamilya Binay matapos mag-isyu ng arrest warrant ang Makati Regional Trial Court laban kay Trillanes kaugnay ng kasong libelo na isinampa ng kampo ng mga Binay.
Sinabi ni Certeza sa isang panayam na halata kasing politically-motivated o pamumulitika lamang ang ugat ng mga naunang akusasyon ni Trillanes sa mga Binay.
Maaalalang inakusahan ni Trillanes ang pamilya Binay, partikular si dismissed Mayor Junjun Binay na nanuhol umano ng kabuuang P50 milyong piso sa dalawang hukom ng korte upang pigilin noon ang pagi-isyu ng second preventive suspension ng Ombudsman sa dating alkalde.
Giit ni Certeza, nagresulta lamang sa trial by publicity ang mga akusasyon ni Trillanes at ng iba pang personalidad na nagdiin laban naman kay Vice President Jejomar Binay sa naging pagdinig ng senado.
Kaugnay naman ito ng mga alegasyon ng umano’y korapsyon na ipinukol sa bise presidente noong ito ay alkalde pa.
Details from: Cely Bueno (Patrol 19) | Allan Francisco