Kinasuhan ng kidnapping at serious illegal detention sa Department of Justice (DOJ) si dating senador Antonio Trillanes at tatlong iba pa na kinabibilangan ng isang pari at isang madre.
Ang kasong isinampa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ay nag-ugat sa reklamo ng isang Guillermina Barrido alyas ‘Guillermina Arcillas’ ng Davao Del Norte.
Bukod kay Trillanes, kasama ring kinasuhan sina Father Albert Alejo, Atty. Jude Sabio at Sister Ling ng Convent of Cannossian Sisters sa Makati City.
Batay sa sinumpaang salaysay ni Barrido, nangyari ang krimen mula December 9 hanggang 21, 2016 nang magmistula syang bilanggo nina Trillanes sa Cannossian Sisters Convent sa Makati at sa Holy Spirit Convent sa Quezon City.
2017 di umano nang alukin sya ng kampo ni Trillanes na tumestigo laban sa mga di umano’y illegal na gawain ng Pangulong Rodrigo Duterte kapalit ng P1-M.
Ang kalahating milyon ay para idiin si Pangulong Duterte sa Davao Death Squad samantalang ang kalahati ay para sa pagtestigo nya sa International Criminal Court kung saan kinasuhan ang pangulo dahil sa extra judicial killings.
Sinabi ni Barrido na ilang beses nyang nakausap sa cellphone si Trillanes at may mga e-mail rin di umano sya hinggil sa mga plano ng grupo laban sa pangulo.