Hinimok ni dating Sen. Antonio Trillanes ang Commission On Audit o COA na magsagawa ng special audit sa lahat ng naging transaksyon ng pamilya ni Sen. Bong Go.
Ito’y matapos akusahan ni Trillanes ang longtime aide ni Pangulong Rodrigo Duterte ng korapsyon na nagkakahalaga ng P6.6 bilyon na public works contracts sa Davao region.
Partikular na pinasisilip ni Trillanes sa COA ay ang transaksyon sa mga negosyo ng pamilya Go na CLTG at Alfrego Builders.
Batay sa isang video sa youtube, ibinunyag ni Trillanes na ang construction firms na pagma-may-ari ng pamilya Go ay nagkaroon ng multibillion peso government projects simula nang maupo bilang alkalde ng Davao City si Pangulong Duterte.
Ang CLTG builders at Alfrego builders ay Davao based construction firms na pag-aari ng ama ng Senador na si Deciderio at half-brother na si Alfredo.