Kumpiyansa si Sen. Antonio Trillanes IV na inosente si Senador Leila De Lima sa kasong isinampa laban sa kanya kaugnay sa drug trade sa Bilibid.
Kasunod ito ng pagsasampa ng kaso laban sa senadora sa Muntinlupa Regional Trial Court (RTC).
Ani Trillanes, bagamat hindi pipigilan ng senado ang posibleng pag – aresto kay De Lima, kanila namang titiyakin ang seguridad ng senadora.
“I believe kayang madipensahan ni Senator De lIma yung sarili niya, ako nga base mismo sa sarili kong impormasyon may mga tao kami sa PNP intelligence, AFP Intelligence, sa PDEA, bago na-upo ito si Duterte ni isang intel report, ni isang singaw, chismis man lang wala ito si Leila De Lima sa pagiging drug queen, drug lord kung ano man”, pahayag ni Sen. Trillanes sa panayam ng programang ‘Usapang Senado’ sa DWIZ.
Sinabi rin ni Trillanes na nagtanim lang umano ng galit ang Pangulong Rodrigo Duterte kay De Lima dahil sa nangyaring pag imbestiga ng senadora noong Mayor pa ito ng Davao kaya ngayon ay binabalikan ng Pangulo ang senadora.
“Para saan ito? So talagang ito nagtanim lang ng galit itong si President Duterte kay Senator De Lima nung siya ay commission on human rights chairman eh inimbestigahan niya sa Davao, nagtanim ito, kaya ngayon binabalikan siya”
Samantala, nagbabala naman si Trillanes sa mga politiko na huwag kalabanin ang Pangulo dahil aniya kasunod nito ang posibleng pag ganti galing sa Pangulo.
“Para na ring maging, maging kung baga ay warning sa ibang mga politiko na pagka kalabanin niyo si Panginoong Duterte ay babalikan kayo “
By Katrina Valle / Race Perez
Credits: ‘Usapang Senado’ programa sa DWIZ kasama si Cely Bueno mapapakinggan tuwing Sabado mula 3:00 PM hanggang 4:00 PM