Itinanggi ni Senador Antonio Trillanes IV ang anumang koneksyon nya sa naglabas ng video na nag uugnay kay Presidential son Paolo Duterte sa sindikato ng illegal drugs.
Sa isang statement, binati ni Trillanes ang mga nasa likod ng video at nagpahayag ng panghihinayang na hindi sya kasama sa mga gumawa nito.
Ayon kay Trillanes, unti-onti nang nabibisto ang pagpapanggap ng Pangulong Rodrigo Duterte at bistado na aniya na talagang may koneksyon sila sa ilegal na droga.
Sa video na inilabas ng isang nagpakilalang bikoy na dati umanong miyembro ng drug syndicate, ibinunyag nito na mayroon siyang record ng tara o suhol na idinedeposito sa accounts ng drug lords na may code names na POLODELTA-TSGO1 at ALPHA TIERRA-0029.
Tinukoy nito ang polodelta account na pag-aari di umano ni Paolo Duterte samantalang ang Alpha Tierra ay pag-aari di umano ni Agriculture Asst. Secretary Waldo Carpio, kapatid ni Manases Carpio na asawa ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Sinabi ni Bikoy sa video na mayroong 170 million at 210 million na naideposito kay Paolo Duterte sa isang international bank nuong 2018.
PNP handang imbestigahan ang video na isinasangkot si Paolo Duterte sa illegal drugs
Handa ang Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na imbestigahan ang kumakalat na video kung saan isinasangkot si presidential son at former Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa iligal na droga.
Ayon kay PNP Spokesperson Colonel Bernard Banac, handa silang mag-abot ng tulong oras na lumapit sa kanila ang dating alkalde.
Gayunman, wala pa anyang naghahain ng reklamo hinggil sa naturang video na ngayon ay may halos 200,000 views na sa video-sharing website na YouTube at umani na ng kaliwa’t kanang reaksyon.
Samantala, handa rin anya silang tulungan ang sinumang indibidwal na biktima ng cybercrime. – (Sinulat ni Kimberlie Montano)