Walang arrest order laban kay Senador Antonio Trillanes IV sa ngayon.
Ito’y makaraang bigyan ng Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 148 ng limang (5) araw ang senador na mag-komento sa inihaing mosyon ng Department of Justice (DOJ) na humihiling na maglabas ng arrest warrant laban dito.
Itinakda ang pagdinig sa September 13.
Kasabay nito ay nanindigan si Trillanes na walang basehan ang inilabas na presidential proclamation ni Pangulong Duterte na pagpapawalang-bisa sa ibinigay sa kanyang amnestiya noong 2010.
“Unang-una ang basis ng Presidential proclamation ay isang malaking kapalpakan at kasinungalingan.”
Naglabas ng kopya si Trillanes ng mga dokumentong nagpapatunay na na-dismissed na ang mga kaso laban sa kanya matapos na mabigyan ng amnestiya ng nakaraang administrasyon.
“Ito isa pang kapalpakan nila.. hindi nila alam na dismissed na ‘yung kaso ko na kudeta at rebellion na sinasabi nilang basis kung bakit ako aarestuhin. I have with me the orders kaugnay doon sa dalawang kaso.”
Bakit ka mag-iisyu ng warrant eh dismissed ito?”
Iginiit ng senador na mayroon din siyang amnesty certificate na patunay na dumaan siya sa tamang proseso.
Dahil dito, nakatakdang maghain ng petisyon sa Korte Suprema ang kampo ng senador na humihiling ng pagpapalabas ng temporary restraining order laban sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapawalang bisa sa amnestiya na nakuha ni Trillanes.
—-