Binuweltahan ni Senador Antonio Trillanes ang mga pumuna at nagsabing isang uri ng treason o pagtataksil sa bayan ang kanyang ginawang pakikipag-usap kay US Senator Marco Rubio.
Giit ni Trillanes, mismong si Rubio na ang nagsabing tanging may kaugnayan sa alyansa ng Pilipinas at Amerika; at sitwasyon ng kurapsyon at human rights sa bansa ang kanilang pinag-usapan.
Tinuya pa ni Trillanes ang mga ito at tinanong kung bayani ba ang maitatawag sa mga protektor ng aniya isang presidenteng pumapatay at nagpapatay ng mga Pilipino.
Una rito, sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na iimbestigahan ng Department of Justice o DOJ kung may naging paglabag ang pakikipagkita ni Trillanes sa ilang opisyal ng Estados Unidos.