Binanatan ni Senador Antonio Trillanes IV ang AMLC o Anti-Money Laundering Council makaraang itanggi nito na sa kanila nagmula ang ebidensyang hawak niya na magdiriin kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay ito sa pagsisiwalat ni Trillanes hinggil sa mga di umano’y tagong yaman ng pangulo gayundin ni Davao City Mayor Sarah Duterte – Carpio na aabot sa bilyong piso ang halaga.
Ayon kay Trillanes, posible aniyang papanagutin ang AMLC dahil sa pagtatago nito ng mga ebidensya laban sa pangulo na maituturing na obstruction of justice.
“Sinang-ayunan ng ombudsman na more or less kapareho ito nung nakita nila, yung binigay sa kanila. Pero yung dokumento na yun, ano yan, transactions for intelligence purposes, eh dali dali namang itong magsalita na wala kaming binibigay na report. Oo, kasi hindi naman report yung sinasabi kungdi ito yung for transactions for intelligence purposes. Ngayon, nung hinihingian na sila ng report, ayaw na magbigay ng report, so dito mo makikita na may obstruction of justice atsaka tinitingnan pa natin kung anong possible cases na na commit nitong anti money laundering.”
Kasunod nito, sinagot naman ni Trillanes ang hamon ni Solicitor General Jose Calida na ilabas ang lahat ng mga hawak niyang ebidensya na magdiriin sa mag – amang Duterte.
“Kung talagang ayaw na nila mag waste ng time kung sino mag imbestiga, sabihan nalang niya yung boss na pumirma ka nalang ng waiver para ipahiya mo itong si Trillanes, diba? Para ikulong natin yan. Diba? Ganun lang. Ganun yung napakadali. Kaso ang daming dakdak, ang daming arte kasi hindi maharap yung isyu kasi nga totoo yung mga alegasyon.”
(From Usapang Senado interview)